Tambutso: Serbisyo o Perwisyo?
Citizen and Community Journalism
Barangay Pulong Buhangin
Alfonso, Florence Edmar A. at Flores, Reign Amielle
Dahil sa makabagong mundo, hindi na bago sa atin ang makakita ng iba’t-ibang uri ng sasakyan sa lansangan. Kotse, jeep, truck, o ano pa mang klase ng sasakyan, lahat ng iyan may makikita mo sa kalsada. Ngunit sa dami ng uri ng transportasyon, may isang uri ng sasakyan na marahil marami ang hati ang opinyon patungkol dito. Motorsiklo, serbisyo o perwisyo?
Motorsiklo, isa sa mga pinakamabisang uri ng transportasyon sa ano mang lugar. Maliit lamang kaya hindi mahirap maniobrahin lalo na kung sobrang daming sasakyan sa paligid. Dahil dito, siguradong makaiiwas ka sa pagkahaba-habang trapiko.
Ayon kay Rey Malicsi, isang residente ng nasabing barangay, dapat ay maiparating ang nasabing problema sa barangay.
“Very noisy during the night… Modified muffler of motorcycle… Then that’s the only problem that should be reported to the barangay.”, ani ni Malicsi.
Dagdag pa niya, wala raw aksyong ginagawa ang barangay at hinahayaan na lamang ng nakatataas ang mga motorsiklo na may modified mufflers.
Ayon naman kay Tere, residente ng Pulong Buhangin mula noong 1998, matagal na niyang pinoproblema ang maiingay na motorsiklo.
Dagdag pa niya, nakakabulabog ang mga motorsiklong ito lalo na sa mga namamahinga dahil alanganing oras ito nagpaparamdam.
Ayon din sa kanya, naipararating ito sa nakatataas ngunit agad ding bumabalik kapag natapos na ang pag-iikot ng opisyal ng barangay.
Marami pang nakararanas ng problema patungkol sa maiingay o modified mufflers sa Barangay Pulong Buhangin, ngunit ito ay tila hindi mabigyan ng solusyon.
Ang isa sa mga dahilan ay ang kakaunting bilang ng mga nagsusumbong nito sa barangay.
Ayon sa isang nakapanayam namin na residente ng Barangay Pulong Buhangin sa loob ng 14 taon, siya ay isa rin sa nakararanas ng problemang ito, ngunit hindi na binibigyang pansin dahil na lang din pakikisama.
Ang isa pa sa mga dahilan ay ang walang maayos na paraan ng pagpapatupad sa ordinansang ibinaba.
Ayon sa Barangay Secretary ng Pulong Buhangin, hindi raw malinaw ang ibinabang ordinansa ng Provincial Government ng Bulacan.
Dagdag pa niya, wala raw kapangyarihan manghuli ang barangay ng mga gumagamit ng maiingay na tambutso.
“Walang authority ang barangay na manghuli. Ang Santa Maria Police lang ang nakakapag-checkpoint.” ani niya.
Ang nasabing ordinansa ay ang Panlalawigang Kautusan Blg. 25-2016 o ang Kautusan na Nagbabawal sa Maingay na Tambutso o Modified Muffler ng Motorsiklo sa Lalawigan ng Bulacan. Ayon dito may kakayahan na manghuli ang pulisya, mga traffic enforcer, at mga barangay tanod/police.
Ang ibinabang ordinansa ay taliwas sa sinabi ng Barangay Secretary.
Ayon naman kay PCMS Jason T. Taniza, ipinapatupad ang nasabing ordinansa sa pagkakaroon ng checkpoint.
“Nagsasagawa ng checkpoint ang kapulisan dito sa Bulacan. Dito sa amin sa Santa Maria partikular ay mayroon kaming schedule ng checkpoints sa mga barangay kaya ito ay isa sa mga tinitignan namin dahil doon sa mga maiingay na tambutso na nakakaistorbo sa mga tao.” wika ni PCMS Taniza.
Bagamat nagkakaroon ng aksiyon, masasabing hindi ito sapat dahil ang mga residente ay dumadaing pa rin patungkol sa problemang ito, isang bagay na dapat na pagtuunan ng pansin.
Comments
Post a Comment