Tahanan | Final Report

 Tahanan

ni Dimla, Angelica, Estrella Jc Frelle Anne, at Roma, Veronica

Representasyon ng bahay ang mga nakatira rito


Iyan ang madalas sabihin ng mga nanay kapag nakikitang marumi ang kanilang bahay. Kaya nga tuwing may darating na bisita sa ating tahanan, maliit man ito o malaki, gawa man sa bato o kahoy, pinturado man o hindi, kaugalian na nating linisin at ayusin itong mabuti upang makabuo ng magandang impresyon. Ayon nga sa karamihan, “Kahit pangit ang bahay basta malinis”. Ngunit paano kung ang sinasabi nating tahanan ay katulad nito.


Courtesy: Philstar

Ayon nga sa kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na si Benjamin "Benhur" Abalos Jr., ang Pilipinas ay nakalilikom ng tinatayang 22 milyong tonelada ng basura taon-taon kung saan ang Metro Manila ang nangunguna sa listahan ng mga gumagawa ng basura na may 3.65 milyong tonelada, at karamihan sa atin ay matagal nang alam na isa sa pinakamalaking problema ng buong mundo lalo na sa ating bansa ay ang basura ngunit imbis na mabawasan, bakit tila lalo pang lumalala ang problema rito?


Ito ang tanong na nakatatak sa aming isip habang nililibot ang maliit na sitio sa Barangay Sta. Cruz, Sta. Maria, Bulacan. Sa aming paglalakbay, napag alaman namin na karamihan sa mga nakatira rito ay magkakamag-anak at ang maliit na komunidad na ito ay nagsisilbi na rin nilang malaking tahanan — Ang pangalan ng Sitio na ito ay Sitio Gulod.


Naglalakad pa lamang kami papasok ng sitio ay nadaraanan na namin ang mga basura; mga nagkalat na dumi ng mga aso; mga parte ng sitio kung saan may naiipong maruming tubig galing sa mga kabahayan; mga sako-sakong basura na nilalangaw dahil sa tagal nang pagka-imbak; mga tira-tirang pagkain na makikita sa gilid ng daan; at kanal na hindi nadadaluyan ng tubig dahil nababarahan ng mga basura na may kasama pang mabahong amoy. 


Ilan din sa mga residente ng sitio ay nagbahagi sa amin ng kanilang istorya kung paano sa tingin nila lumalala ang kanilang problema sa basura at kung paano sila naaapektuhan nito sa kanilang komunidad. 



Isinasaad nga sa Ecological Solid Waste Management Act No. 9003 of 2000 ang probisyon na layong pag-igihan ang pamamahala ng solidong basura, bawasan ang dami nito, pag-compost, at pag-recycle o muling paggamit ng mga basura. Sa ilalim din ng batas na ito ang wastong pagtatapon, paghihiwalay, pangongolekta, at pag-iimbak ng mga basura upang protektahan ang yamang tubig at lupa mula sa polusyon. Ngunit ang batas ay tila nasasa walang bahala lalo sa maliit na komunidad tulad ng Sitio Gulod.



Tunay ngang mahalaga talaga ang impresyon sa ating mga Filipino ngunit bukod dito, hindi ba dapat din nating isipin kung ano ang maaaring masamang epekto ng basura? Sa patuloy naming pag-iikot, nakilala namin sila Aling Milet at Aling Angelita.




Para sa kanila, ang usapin ng pagsasaayos ng basura ay hindi lamang tungkol sa pagpapaganda ng impresyon ng kanilang lugar kundi para na rin maging maayos ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Malayo sa sakit, sa nakakasulasok na amoy ng basura, at sa bahang dulot ng pagkabara ng basura sa kanal.


Ayon nga sa World Health Organization, maaaring magkaroon ng masamang resulta sa kalusugan ang hindi tamang pagtatapon ng basura. Nagkakaroon ng kontaminasyon sa tubig, lupa, at hangin na may dalang panganib sa mga tao lalo na sa mga bata at matatanda na mahihina ang kalusugan. Dagdag pa ng WHO, ang hindi wastong pagtapon at pag-segregate ng basura ay maaari ring magresulta ng pagbaha at paglala ng mga kalamidad.


Sa aming patuloy na paglalakad, dinala kami ng aming mga paa sa dulong bahagi ng sitio kung saan tumambad sa amin ang mas marami pang mga basura at mga informal settlers, dito, napag-alaman namin na karamihan pala ng nakatira rito ay garbage collector ng barangay at dito namin nakapanayam ang isa sa kanila, si Tatay Generoso.



Para kay Tatay Generoso, dumarami ang bilang ng basura dahil sa pagdami ng ating populasyon kaya patuloy pa kaming nag lakbay sa nasabing barangay upang hanapin naman ang sagot sa tanong na “ano nga ba ang ginagawa sa ating mga basura?”


Sunod naming pinuntahan ang imbakan ng basura ng barangay ngunit truck lang ang aming naabutan dahil ayon sa isang residente sa barangay, nilipat na raw ito sa ibang lugar kaya napagpasyahan na lang namin na puntahan ang junk shop na pumalit sa dating imbakan ng basura at dito namin nakilala si Ate Geraldine.



Pagkatapos naming mamangha sa kaalamang naibahagi ni Ate Geraldine, nagpagpasiyahan namin na magtungo sa barangay hall ng Santa Cruz upang malaman ang sentimyento ng mga lokal na opisyal tungkol sa kadahilanan kung bakit minsan ay hindi kaagad nahahakot ang basura sa kanilang komunidad at kung bakit ito ang pinaka unang problema ng kanilang barangay, dito namin nakapanayam ang konsehal na responsable sa kapaligiran ng kanilang Barangay.



Sinigurado rin ni konsehal Unyo na ginagawa nila ang lahat para masolusyonan ang pangunahing problema ng kanilang barangay ngunit humingi rin siya ng konting pagintindi mula sa mga residente dahil sa pagkaantala ng paghahakot, sira raw kasi ang ilan nilang garbage truck.



Pinaunlakan din kami ng Kapitan ng Barangay at ibinahagi ang dahilan kung bakit naging kasalukuyan nilang problema ang basura, at kung bakit nagkakaroon ng pagka antala sa paghahakot nito na siya ring maaaring dahilan para makadagdag sa polusyon ng ating kapaligiran.



Bukod sa pagdaragdag ng truck ng basura panghakot, magdaragdag din daw sila ng mga tao para maghakot ng basura. Kasalukuyan din daw nakikipag-komunikasyon ang kapitan sa mga subdivision ng barangay para makagawa ang mga ito ng sarili nilang MRF o Materials Recovery Facilities na siyang responsable sa pagkolekta ng mga nabubulok na basura na ginagawang pataba sa lupa, MRF din daw ang nagiging pansamantalang lagakan ng mga recyclable materials na ayon sa Section 32 ng RA 9003, dapat ang bawat barangay o subdivision ay may kani-kaniyang Materials Recovery Facilities.


Tunay ngang mulat ang mga mamamayan at mga opisyal sa problema ng basura sa ating bansa ngunit patuloy pa rin itong lumalala sa pagdaan ng panahon at pagdami ng mga tao. Ayon nga sa Green Sail (2019), ang kalikasan mismo ay napakarupok na at ang ating produksyon ng enerhiya, pagkonsumo ng produkto at iresponsableng pamamahala ng basura ay direktang nag-aambag sa pagbabago ng klima na ngayon ay sobra nating nararanasan, andiyan ang pag-cancel ng pasok sa mga eskwelahan dahil sa matinding init, pagkalugi ng mga magsasaka dulot ng tagtuyot, at ang mga sakit na maaari nating makuha mula rito.


Kung ating iisipin, tinulungan tayo ng mundo para mabuhay, sa kaniya rin tayo naninirahan, ngunit tayo ang sumisira sa kanya at ngayon, siya naman ang nangangailangan ng tulong. Hindi lamang disiplina ang makakapag-ayos ng problemang ito, kundi ang kaalaman ng tao tungkol sa tamang paggamit, pagtapon, at pag-recycle ng mga bagay na ating pinakinabangan. Ang pagbabago ay dapat nang simulan dahil masama gumanti ang kalikasan. Bigyan pa sana ng pansin ng mga nakakataas ang problema dahil ang may maayos na kapaligiran ay siguradong ring may kaligtasan.


Representasyon ng bahay ang mga nakatira rito


Base nga diba kay Gordon Nagayama, isang propesor ng sikolohiya sa unibersidad ng Oregon, ang mga Asyano kasama na ang mga Pilipino ay pinapahalagahan ang kanilang mukha dahil sa paniniwalang ang mukha ay tinutumbasan ng karangalan, ang Pilipinas ay isang lipunang nakabatay sa kahihiyan kung saan takot tayong mawalan ng mukhang ihaharap sa ibang tao. Ngunit, hindi ba nakakapanuyang isipin na sa kabila ng paniniwalang ito ay hindi pa rin natin maisaayos ang tinatawag nating “tahanan”?



Please click the link below to access our references, thank you!

https://docs.google.com/document/d/15vS-1XecMVSVntmHZ0SONMaPF6dBDsHAaRWv2x7QTak/edit?usp=sharing


Comments

Popular Posts

Citizen and Community Journalism: Community Issues and Problems among Citizens in Brgy. Maguinao, San Rafael, Bulacan

In Barangay Malis