SIDHI NG ALON: Lubog na Masa, Lunod na Pag-asa l Final Report
SIDHI NG ALON: Lubog na Masa, Lunod na Pag-asa
nina: Ramos, Kent l Caparas, Angelo l Gatchalian, Lemuel
Panoorin dito ang Mini Documentary:
PAGGISING SA DILIM (Paglalakbay sa 'Di Kilalang Isla)
Daratal din ang panahong hindi na tayo maihahatid ng transportasyong inaasahan nating maghahatid sa atin sa dako paroon. Sa paglubog ng kalsada at islang kanilang kinagisnan, ganoon naman ang paglutang ng damdamin at kanilang hinaing at panawagan para sa kanilang kapakanan.
Bilang isa sa limang isla sa Malolos, Bulacan, hindi na lingid sa ating kaalaman na bangka ang pangunahing transportasyon ng mga residente sa Barangay Caliligawan. Ang bangka ang kanilang ginagamit sa pagpasok sa paaralan at trabaho, pambili ng kanilang panlaman tiyan, at pagpunta sa hospital kung kinakailangan. Paano kung ang bangka ay kasing layo ng bituin para abutin ng mga residente kahit na ito ang nagbibigay-ginhawa at naghahatid sa kanilang paroroonan?
Noong taong 2023, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), halos kalahati ng populasyong Pilipino ang nagsasabing sila'y mahirap kumpara sa iilang kumportable ang buhay. Pumalo sa 47% ang nagsabing sila ay "mahirap."
Sa alingawngaw ng pitaka
Pasakit ang pagtaas ng presyo ng krudo hindi lamang sa bangkero kundi pati na rin sa mga pasahero.
Dahil may nakatakdang oras lamang tuwing umaga ang pagsakay ng bangka, pahirapan kung ito ay umaalis kaagad at kapag hindi naaabutan ay kinakailangan na maghintay ng ibang bangka na aarkilahin.
“Hindi siya aalis [bangka] unless mag-aarkila ka, e medyo pricey yung pagsakay kapag nag-arkila,” ani Jhoris Anne Ramos, isang mag-aaral ng Bulacan State University.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, kaakibat nito ang pagtaas din ng pamasahe na nagdadagdag-pasanin sa mga pasahero dahil kapalit nito ay ang labis na pagtitipid.
Bukod sa inaalalang pamasahe, alalahanin para kay Hazel Mendiola, isang kolehiyala na mula rin sa Bulacan State University ang pagiging ‘huli’ sa klase dahil sa tagal ng pag-aantay sa bangkang masasakyan.
“Mahirap po pumasok dahil napakalayo ng school namin. Yung bangka po kasi sa ‘min, tuwing umaga lang po. Noong panahon po na ‘yon, wala pong maghahatid na bangka kaya na-late rin po ako sa klase.”
Isa lang ang paaralan na mayroon ang Baranggay Caliligawan. Ang kaya lamang nitong turuan ay mga nasa baitang Kinder at baitang una hanggang anim. Walang high school at college dito.
Kaya naman ang tulad nina Hazel at Jhoris na pagtuntong sa hayskul at kolehiyo ay kinakailangan byumahe upang makapag-aral sa ibang bayan.
Sa gitna ng init at dilim
Madilim at mainit ang pakiramdam at sitwasyon ng mga taga Caliligawan tuwing nawawalan ng kuryente sa kani-kanilang mga tahanan.
“E, napakadilim po rito sa aming lugar kung saan lubhang mapanganib sa mga mamamayan. Unang una 'pag panahon ng nandiyan [ay] dumarating kasalukuyang ang bagyo, malakas na hangin, ulan, [at] na sa kahit saan kami ng kadiliman, hindi po namin alam kung may nagliliparang yero, nasisirang mga pader, kaya kami ay nasa loob lang ng aming tirahan, madilim, hindi na namin alam kung ano itsura sa aming kapaligiran dahil sa kadiliman.” ito ang inaalala ni Igg. Jaime Magpayo bilang ama ng barangay para sa kaniyang nasasakupan.
Nakikitang mga dahilan ng pagkawala ng kuryente ay ang kalamidad tulad ng bagyo, paglakas ng hangin na nagiging sanhi ng pagtumba ng mga poste ng kuryente; pati na rin ang kahirapan sa buhay na nagreresulta sa walang kakayanang makapagbayad ng kuryente.
“Ang problema po namin sa kuryente, minsan po natatapat na wala kaming kita kaya po ang problema namin ay pambayad sa kuryente,” wika ni Lerina Vivar, isang residente ng isla.
Sa tuwing nawawalan ng kuryente sa Isla, tinatayang nasa tatlong araw hanggang isang linggo ang pagresponde ng tulong mula sa Meralco.
“Matagal po bago maibalik ng supply ng Meralco yung nasabing power, minsan po [ay] umaabot ng isang linggo.” dagdag niya.
Kinakailangan nitong sumakay ng bangka upang makapaghatid ng tulong sa mga tahanang kasalukuyang nahaharap sa panganib dala ng init at dilim sa kanilang lugar dahil sa kawalan ng kuryente.
Matagal bago makamit ng mga residente ang kaginhawaan. Matagal ang pagbabalik ng kuryente. Malayo ang Isla at kinakailangan pa ng mahaba-habang pagbyahe para makapagresponde.
Sa pagitan ng buhay at hukay
“Minsan kung sa bangka pa lang at malala na, minsan sa bangka pa lang inaabutan na.”
Sa usapang pagresponde, parehas na may katagalan gaya sa usaping pangkalusugan ng mga residente. Gayundin tulad ng eskwelahan na malayo sa Isla, malayo rin ang mahahalagang institusyon tulad ng ospital.
“Kulang ang pasilidad at kailangan ding pumunta sa siyudad para makapagpa-check up nang maayos.” daing ni Maricel, residente ng Caliligawan.
Kaya naman kinakailangan sumakay ng bangka upang sumadya ng check-up sa ospital o clinic sa bayan. Karga na rin ng bangka ang bigat ng pag-aalala ng residente na maghahatid ng maysakit na kaanak sa kabilang bayan.
Sa Isla Caliligawan, mayroon lamang mumunting health care facilities na may kulang-kulang na gamit. Kinakailangang sumakay ng bangka upang dalhin sa ospital ang maysakit. Hindi kakayanin ng health care facilities ang magbigay ng gamot o magsagawa ng operasyon sa mga malulubhang sakit.
Sa kalayuan ng lugar at kakulangan ng pasilidad at kagamitan, kinakailangan na byumahe upang madala sa hospital at maagapan ang sakit.
Hindi laging pag-asa ang hatid ng pag-asa
Hindi na siguro bago sa atin ito. Sa tuwing ngumangawa, nariyan ang ating magulang na handang dalhin tayo sa mall at palagi nating maririnig na “Ibibili kita kahit anong gusto mo.” Tila ba na sinanay lang tayo ng ating mga magulang na mamangha sa mga engrandeng imprastrakturang ating nakikita noong ating kabataan na ngayon ay ating dinadaanan at nagbibigay na lamang perwisyo sa atin. Ganito rin ang sitwasyon sa pilit na isinisiksik sa ating huwad na progreso na may kaakibat na panganib para sa mga residente sa latian. Inuuto lamang tayo sa ganda ng paliparan ngunit ginagawa naman tayo nitong bulag sa mga kaakibat na suliranin nito.
Isa sa sinisisi ng mga residente sa Caliligawan sa pagsikip ng dapat, paglubog ng mga palaisdaan at mga kalsada ang itinatayong paliparan sa Bulakan, Bulacan— Ang New Manila International Airport o mas kilala bilang Aerotropolis ng San Miguel Corporation (SMC). Inaasahan itong maging pinakamalaking paliparan sa buong mundo.
Ngunit sa kabila ng pang-aakit at pang-uuto ng imahe ng kaunlaran ay bangungot naman ang hatid nito para sa mga taga Caliligawan.
“[Apektado kami] dahil dati kaming hindi binabaha pero ngayon nilulubog na bahay namin.”
Malaking kabalintunaan kung ating iisipin na paano babahain ang isang lugar kung ito naman ay napaliligiran ng mga ilog at dagat na maaaring pagpuntahan ng tubig.
Dahil din dito, naaapektuhan ang kanilang kabuhayan dahil sa pagsikip ng dagat at patuloy na pag-apaw ng palaisdaang kanilang binabantayan.
Higit pa sa pang-aakit ng maunlad na imahe na gustong ilatag, ang simpleng hangarin lamang ng mga mangingisda tulad nina Conrado at Danilo na sila ay makapagpatuloy sa pangingisda.
May kaakibat na pagbagsak ang bawat paglipad. At minsan, sa sobrang sabik nating makalipad sa ere ng kaunlaran, hindi na natin naiisip ang mga maaari nitong sagasaan. Na kung hindi bibigyan ng pansin at agarang sosolusyonan, ay magbubunga sa pagbagsak nito nang tuluyan.
Daratal din ang panahong hindi na tayo maihahatid ng transportasyong inaasahan nating maghahatid sa atin sa dako paroon. Bagama’t may mga bangka pang papalaot, hindi nito makukubli na pasikip nang pasikip ang nilalakbay nilang dagat at pasikip na rin nang pasikip ang daang kailangan nilang tahakin tungo sa kaginhawaan.
Comments
Post a Comment