Pasada sa Baha: Danas ng mga Tricycle Driver ng Hagonoy, Bulacan

Citizen and Community Journalism

"Pasada sa Baha: Danas ng mga Tricycle Driver ng Hagonoy, Bulacan"


Cruz, Loise Dea

De Arce, Red Olive

Sy, Princess Reign



Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng tubig sa bayan ng Hagonoy, Bulacan ay tuloy pa rin ang bawat pagpasada ng mga tricycle driver. 

          Lumalabas ang masalimuot na danas ng mga tricycle driver na patuloy na namamasada para sa kanilang pamilya. Ipinakikita ng patuloy na pagtaas ng tubig ang hindi lang pang-araw-araw na pagsubok kundi pati na rin ang kakulangan ng malawakang solusyon sa problema ng baha sa kanilang lugar. 

Matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Bulacan, ang bayan ng Hagonoy mayroong kabuuang lawak ng 103.10 km2. Ito ay napapaligiran ng bayan ng Paombong sa silangan, Calumpit sa hilaga, bayan ng Masantol, Pampanga sa kanluran at ng Manila Bay sa timog.


Kilala ang bayan na ito sa mga yamang tubig. Masasabi na ito ay isang bayan na nabubuhay sa pangingisda at aquaculture. Sa katunayan, ang pangunahing hanap-buhay sa bayang ito ay ang pangingisda. Binansagan ang bayan na ito bilang “Seafood Capital of Bulacan”.


Ngunit hindi lamang mga isda, hipon, alimango o kung ano pang yamang tubig kilala ang bayan na ito. May isa pang bagay na kilala ang Hagonoy, at ito ay ang baha. Dahil ang bayan na ito ay pinaiikutan ng ilog at katabi nito ang iba pang katawan ng tubig katulad ng Manila Bay, tila ba normal na lamang para sa mga Hagueño ang high-tide o paglaki ng tubig na Higit na nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Hagueño.



Taon-taong binabaha ang ilang bahagi ng Bulacan, kabilang ang bayan ng Hagonoy, na patuloy na nakakaranas nito. May bagyo man o wala, kinakaharap pa rin ng mga mamamayan ng bayan ang baha dulot ng high-tide.


Diskarte ang kaakibat ng mga tao upang sila ay makapag-hanapbuhay sa gitna ng walang katapusang baha sa bayan. Hanggang ngayon, naapektuhan pa rin ang hanapbuhay ng mga tao rito hindi lamang dahil sa pagbaha kundi pati na rin sa kakulangan ng solusyon.


Hindi maikakailang na kilala ang Hagonoy dahil sa laging pagbaha rito. Tila ba naging bahagi na ng bayan ang pagbaha dulot ng hig-tide, umulan man o hindi, may bagyo man o wala. Sa bawat pagbaha na dulot ng high tide, ang pangunahing iniisip ng mga tao, lalo na ng mga tricycle driver, ay kung paano kakayod para sa kanilang pamilya.


Ang danas ng mga taga-Hagonoy ay umiikot sa high tide. Masasabi na ito ang pangunahing problema ng lugar dahil hanggang sa ngayon ay walang permanenteng solusyon na nailalaan ukol dito.


Ayon kay Angel Cruz, dating punong bayan ng Hagonoy, “Maghahanap tayo ng pondo at hindi yung sa umpisa pa lang matanggihan na dahil wala nga raw pondo. E sa totoo, ang laki ng pondo; saan nga lang napupunta? So, yung pag-prioritize, kung talagang tapat ang administrasyon na ito, ay masosolusyonan niya. Dapat nakikita natin na talagang pinopondohan niya yung problema na ’yon.” 


Dagdag pa niya na ang proyektong dapat ay sa Hagonoy ay napunta sa Malolos at ang proyektong ito ay nature-based. Minsan na siyang nagbigay ng plano at ideya para sa solusyon sa pagbaha sa bayan ng Hagonoy. 


Maaaring may magawang solusyon pa na makakapagtigil ng walang tigil na pagbaha rito kung ang mga proyektong detalyadong napagplanuhan ay maaprubahan. Hinihiling ng mga taong bayan na mas bigyan pa ng pansin ang pagbaha at huwag itong ipagwalang-bahala. Dahil marami ang apektado rito, tulad ng mga tricycle driver na patuloy na kumakayod kahit walang tigil ang pagbaha sa lugar.


        Pangunahing naaapektuhan ng mataas na tubig ay ang mga tricycle driver, sila ay araw-araw na nahaharap sa hamon na ito. Kahit masalimuot at mahirap ang sitwasyon dulot ng pagtaas ng tubig, patuloy pa rin silang nagmamaneho upang mabuhay ang kanilang pamilya. 


             Sa bawat pasada, hindi lang basta kita ang iniisip nila, kundi pati na rin ang kalagayan ng kanilang tricycle na madalas masira dahil sa baha. Ang tricycle ay pangunahing transportasyon sa Hagonoy, kaya’t napakahalaga ng kanilang papel sa komunidad. Sa tuwing dumaan sila sa mga binabahang kalsada, dala-dala nila ang responsibilidad na makarating nang ligtas ang kanilang mga pasahero sa kanilang paroroonan.


Ayon sa isa naming nakapanayam na tricycle driver na si Rodje Boga, ang pangulo ng Sta. Cruz, Sto. Rosario, San Pascual Tricycle Operators and Drivers’ Association o SCROP TODA, “Mahirap po sa amin [tricycle drivers] gawa ng high-tide po… hindi po nakakalabas ang mababa na tricycle. Ang matataas [na tricycle] lang po ang nakakalabas.”


Ang hindi pagpasada ng mga tricycle driver ay higit na nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ayon pa kay Boga, nakadepende sa laki ng baha ang kanilang kinikita sa pagpasada ng kanilang tricycle. 


“Ah, depende po sa biyahe. Kasi po kapag malaki ang tubig, medyo may additional na [pamasahe]—depende po sa laki, may sampu [-ng piso], may lima…”


Ngunit sa kakaunting kinikita ng mga tricycle driver, ito ay nababawasan pa lalo dahil sa pagpapagawa ng mga tricycle o sidecar na madaling masira dahil sa pagka-babad sa tubig o baha. Iilang tricycle driver ang nakakabawi ng kanilang perang ginagamit sa pagpapagawa ng sasakyan ngunit kadalasan ay nangungutang na lamang sila upang maipagawa ang kanilang tricycle.


Ayon pa kay Gil Mendoza, ang kasalukuyang TODA Chairman ng Hagonoy, dahil sa pagbaha, ang mga gamit o materyales na dapat ay tumatagal ay madaling nasisira at ito ay isang malaking kabawasan sa bawat miyembro ng TODA.


“Malaki ang epekto kasi halos pambili na lang ng bigas… o mairaos na lang, kumbaga sa ano, talagang hindi kakayanin [na] bumuhay o magkapagpa-aral ng isang [bata]... ‘yan ang epekto ng high-tide sa aming hanapbuhay.” saad ni Mendoza.


Nagsusumikap ng mga tricycle driver upang sila ay magkaroon ng maayos na solusyon sa kanilang problema. Dahil na rin sa kahirapan, nagnanais silang mapansin ng gobyerno na baka sakaling tumulong sa kanila.

“Ang nagagawa lang namin, kapag nagkakaroon ng mga karamdaman, nagkakatulungan kami. Pero dito sa mga sitwasyon na ‘to, kaniya-kaniyang pamamaraan para magkaroon ng hanapbuhay.” saad ni Mendoza.

Ang pagtaas ng pamasahe ay ang pinakamalaki na ginawa ng gobyerno ng Hagonoy para sa mga tricycle driver. Ngunit hindi ito sapat para sa pagkain, pagpapanatili ng kanilang mga sasakyan, at iba pang gastusin. Sa pagtaas ng baha, kabilang dito kung paano makakaraos ang mga driver.


Malaking bawas sa kinikita ng mga tricycle driver, lalo na kung mataas ang baha, dahil bihirang sumasakay ang mga pasahero. Kaya kahit gaano pa itaas ang pamasahe, kailangan pa rin nilang magtrabaho nang doble para may maipakain sa kanilang pamilya.


Bagaman umaasa ang mga mamamayan sa malawakang solusyon mula sa lokal na gobyerno ng bayan ng Hagonoy, tila walang konkretong plano para tugunan ang walang humpay na problema ng mga driver.


Ayon kay Rodje Boga, pangulo ng SCROP TODA, “Yung hinihiling lang po namin sa kanila ay magkaroon kami ng kooperatiba na meron kaming makuhanan ng mga piyesa na mura lang ang halaga.”


Patuloy na umaasa at nananawagan ang mga tao, lalo na ang mga tricycle driver, na gumawa ng hakbang ang mga nakaupo para sa kanilang kapakanan sa bayan ng Hagonoy.


Sa kabila ng nais na makausap, hindi namin nakapanayam ang mga opisyal tungkol sa baha at solusyon dito dulot ng high tide. Bagama’t hindi sila nakapanayam, ang boses ng mga mamamayan ang magpapakita kung ano ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno ng Hagonoy.


Nanatili ang pag-asa ng mga Hagueño na maging prayoridad pa ng mga nasa kapangyarihan ang kanilang sitwasyon, lalo na ang baha dulot ng high tide. Kailangang patuloy na pakinggan ang kanilang mga hinaing upang hindi lumala at tumagal pa ang kanilang kalagayan.

 

Halos dalawang dekada nang kinakaharap ng mga Hagueño ang problema ng high-tide o pagbaha. Hindi lamang pansamantalang solusyon ang inaasahan ng mga tao kundi ang malawak at permanente na pagtatapos ng kanilang kalbaryo upang mabigyan ng ginhawa ang bawat nakatira sa lugar. Sa paglipas ng panahon, pataas nang pataas ang tubig na lalamon sa bayan ng Hagonoy, kasama na rito ang mga tricycle driver na sa simula pa lamang ay hirap na hirap na. Sa bawat araw na lumilipas, ang mga residente ang naapektuhan, kaya kung patuloy ang pagbaha dulot ng high tide, maaring magdulot ito ng pagbagsak sa kabuhayan ng bawat isa.

       Sa kabila ng mga pagsubok na ito, nananatili ang determinasyon ng mga Hagueño, lalo na ng mga tricycle driver, na hanapan ng mga solusyon at tulungan ang kanilang sarili at ang kanilang komunidad upang malabanan ang mga epekto ng patuloy na pagtaas ng tubig sa kanilang bayan.


Comments

Popular Posts

Citizen and Community Journalism: Community Issues and Problems among Citizens in Brgy. Maguinao, San Rafael, Bulacan

SIDHI NG ALON: Lubog na Masa, Lunod na Pag-asa l Final Report