Barangay Turo (Citizen and Community Journalism - Final Article) Kenneth Tuyay & Naobi Espiritu

Citizen and Community Journalism 

Bachelor of Arts in Journalism 2A - Community Issue Final Report

Ang Reyalidad ng Buhay, Sa Tuwing may Baha sa Barangay



Isinulat nina: Naobi Espiritu at Kenneth Tuyay

“Bawat pagbaha ay huhupa rin, kaya naman ang suliranin ng Barangay tuwing tag-ulan ay kayang-kaya nilang tiisin.”


     “Tingin ko baha talaga, kasi dito konting ulan baha na agad eh” , “ Madalas nararanasan dito ay yun ngang baha lalo kapag bumabagyo laging bumabaha”, “ Baha talaga, yan ang pinaka problema talaga ng Barangay namin”, “Oo baha lang, wala ng iba.”. Ilan lamang ito sa mga naging kasagutan ng mga residente ng Barangay Turo sa Bocaue, Bulacan nang minsan kaming nagtanong tanong kung ano nga ba ang pinaka problema o suliraning kinakaharap ng kanilang komunidad. Mula sa aming pag libot at paghahanap ng kasagutan ay iisang hinaing lamang ang aming naririnig, at ito ay ang pagbaha na sinasabing madalas daw sa kanilang lugar lalo pa kung mayroong bagyong dumarating. Sa patuloy na paninirahan dito ng mga residente ay hindi na raw ito bago sa kanila kaya naman hindi na nila ito pinoproblema dahil kung minsan ay alam na alam na nila ang gagawin. Ngunit dahil ito ang suliranin na mayroon ang kanilang komunidad, ano nga bang mga aktibidad ang kanilang ginagawa sa tuwing ito ay kanilang nararanasan?. Tunay nga bang nakasanayan na nila ito kaya naman hindi na ito gaanong inaaksyunan?, o naghihintay pa rin sila na balang araw ang kanilang Barangay ay handa at kaya nang limitahan ang suliraning hatid ng pagbaha?


     Ang Barangay Turo ay isang maliit na barangay sa Bocaue Bulacan, na kalapit ang mga Barangay tulad ng Bolakan kung saan matatanaw ang Philippine Arena na isa sa pinakamalaking Arena sa mundo. Matatagpuan sa Barangay Turo ang ilan sa mga sikat na pamilihan ng paputok na patok tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre at Enero. Kung ating papansinin, tila isang masagana at maginhawang komunidad ang Barangay na ito dahil sa malapit ito sa sentro ng kalakalan sa bayan ng Bocaue. Gayun pa man, madalas dito ang baha dahil na rin marahil sa kinalalagyan nito na siyang tanging pinoproblema ng mga nakatira rito. Maaaring hanggang sa kasalukuyan ay maranasan nila ang problemang ito lalo pa kung hindi ito makakayang bigyan ng karampatang solusyon.


     Upang mas lumalim ang kaalaman tungkol sa kinalalagyan ng lugar na ito, naging mapanuri kami sa estruktura ng lugar at mga kabahayan dito. Napag-alaman namin na mayroong ilog malapit dito na kumokonekta sa Barangay Tambubong na isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit madalas ang pagbaha sa lugar. Malaki ang kontribusyon ng ilog sa mabilis na pagtaas ng tubig na kung minsan ay umaabot sa ikalawang palapag ng mga bahay dito. Sa patuloy na pagsusuri ay makikita ring mayroong mga sirang parte ang kalsada sa lugar at hindi pa maayos ang pagkakasemento rito. Isa rin ito sa dahilan kung bakit ang baha ay nakakaapekto ng lubos sa Barangay na ito. Ayon nga sa isang residente rito, isa sa nagiging problema kung bakit inaabot sila ng baha ay dahil sa sira-sirang kalsada at mababa raw ang kanilang lugar kaya dapat na taasan at ayusin.


     Bawat taong nakatira sa Barangay na ito ay may samu’t saring kwento tungkol sa pagbaha na kanilang nararanasan. Ilan dito ay inilahad kung paano nila hinaharap ang pagbaha at paano sila unti-unting bumabangon sa tuwing malaki ang naging epekto nito. Si Aling Maricris na isang tindera, sinabing sa tuwing bumabaha ay napipilitan silang makitulog sa kapitbahay na mas mataas ang bahay kumpara sa kanila, dahil na rin sa madaling abutin ng baha ang kanilang tahanan o sa madaling paglubog nito. Kung minsan pa nga ay umuulan pa lamang ay inihahanda na nila ang kanilang mga gamit sa kadahilanang alam nilang babaha na agad kahit pa umuulan pa lamang. Mayroon ding pagkakataon na tumatagal ang paghupa ng baha kaya napipilitan silang makitulog at makikain sa ibang bahay. Minsan naman ay naaabutan sila ng tulong mula sa mga opisyal ng Barangay ngunit kung minsan, mahirap silang maabutan dahil na rin sa delikado at hirap na lumusong ang mga volunteers.


     May mga residente rin na nakaranas ng malawakang pagbaha lalo iyong mga malapit sa ilog. Ayon sa kanila, nagmistulang lawa ang kanilang Barangay matapos ang hagupit ng bagyong Ulysses na isa sa pinaka matinding bagyong malalangnag pabaha sa kanilang lugar. Lahat ng kabahayan ay pinasok ng tubig at halos umabot na sa ikalawang palapag ang baha. Isa ito sa pinakamataas na bahang kanilang naranasan at tumagal ng isang linggo ang muling pagsasa-ayos nila ng kanilang Barangay. Matapos ang bagyo at nang humupa na ang baha, ilang kabahayan ang nasira at may mga gamit na inanod sa kung saan. Maging ang mga pananim ay namatay at maraming puno ang natumba. May iilan ding mga hayop na hindi naisalba. Ang mga pangyayaring ito ay hindi raw makalilimutan ni Mang Dolfo, na isa sa nakasaksi sa kung paano naging mabilis ang pagtaas ng tubig noong mga panahong iyon. Ang mga kaganapan na nagbigay sa kanya ng ideya na palaging ihanda ang mga kagamitan sa kanilang bahay sa tuwing umuulan at may paparating na bagyo.


     Ayon naman sa isang tricycle driver na si Michael, tuwing bumabaha raw ay ipinaparada nila sa kahabaan ng kalsada ng kanilang Barangay ang mga sasakyan upang hindi ito abutin ng baha at mapasukan ng tubig. Kapag napapansin nilang mataas na ang tubig sa ilog, kanya-kanya sila nang pagparada ng kanilang mga sasakyan dahil mahihirapan silang maisalba ito kung aabutin ng baha. Ang ilang residente naman na mababa ang bahay o yung mga bahay na walang ikalawang palapag ay maaga pa lamang ay naghahanda na sa paglikas at patungo sa evacuation center na mayroon ang Barangay, ngunit dahil sa maliit lang ito, sila ay siksikan at nahihirapan. Nagiging mabigat ang sitwasyon para sa mga residente kung ang pagbuhos ng ulan ay tuloy tuloy dahil tiyak na hindi huhupa ang baha at mas lalo pa raw itong tataas. Sa mga ganitong pagkakataon ay inihahanda na nila ang kanilang mga sarili dahil sa posibilidad na mawalan sila ng bahay na babalikan o di kaya naman ay ang maaabutan nila ay isang bahay na puno ng putik at mga basura.


     Ang ilan sa mga karanasang ito ay hindi na bago sa sino mang mamamayang Pilipino. Malaking bahagi ng Pilipinas at kahit saang panig nito ay nakaranas na ng pagbaha o alam ang pangyayari sa tuwing may binabaha. Sa kabila ng kaalaman natin sa kung paano aaksyon sa tuwing may baha, bakit tila malaki pa rin ang nagiging epekto nito at bakit tila hanggang ngayon, wala pa ring maayos na plano at tamang pagtugon sa suliraning ito. Matapos naming alamin ang istorya ng mga residente rito, ay sinubukan naman naming alamin sa mga opisyal ng Barangay kung ano nga bang tugon nila sa isa sa pangunahing problema ng kanilang lugar.


     Ayon sa Barangay Kagawad na si Mario Tuazon, “Ang unang-unang inaano namin gaya pagka-umuulan, ah lagi kaming mga naka, may naka-ready na yung aming patrol, para magamit Incase na mayroong pangangailangan nga na malubha or talagang emergency cases tapos pagka naman bumabaha meron tayong sa Barangay na mga bangka para magamit lalo pagka baha. Yung humihingi ng mga saklolo, para napupuntahan nung ating mga Barangay Tanod o ng mga volunteers”. Dahil nga sa madalas ang pagbaha ay nagbibigay sila ng mga hakbangin na dapat gawin sa tuwing ito ay nangyayari. Nag-iisip din sila ng mga posibleng solusyon na maaari upang kahit papano ay mabawasan ang epekto ng pagbaha sa kanilang lugar. Ayon pa sa ibang opisyal ay handa naman sila palagi sa epekto ng baha at nagbibigay sila ng sapat na tulong sa mga residenteng labis na naapektuhan.


     Dagdag pa ni Kagawad Mario na isa rin ang basura sa dahilan kung bakit lumalala ang pagbaha sa kanilang lugar, kaya naman upang matugunan ang problema sa baha ay dapat masulusyunan din ang iba pang problemang nakadikit sa iba pang mga problema. ”Ah, nagko-conduct tayo ng ano, ng parang meeting. Nanghihikayat tayo especially sa mga ginagawa natin yung mga kabataan, para sila yung mas malapit sa mga tao, mga bata para maideliver o maipasa sa kanila, yung maipaliwanag sa kanila yung mga problema ng ating Barangay. Especially dun sa mga gaya ng basura. Kailangan kasi every year magkakaroon tayo ng ah, dissemination diyan sa ano eh, pagpapaliwanag, pagbubukod ng mga nabubulok at hindi nabubulok. Yun ang special, yun ang problema kahit sa ibang Barangay o bayan, yan ang problema, yung basura”, dagdag pa nito


     Kung tutuusin ay sanay na raw sa ganitong mga pagkakataon ang mga residente ng Turo. Hindi na bago sa kanila ang baha at nasanay na sila sa ganitong pamumuhay. Kapag babaha ay kinakailangan lang nilang itaas ang kanilang mga gamit sa lugar na hindi aabutin ng baha, ibabalik kapag humupa na, maglilinis ng bahay at mga gamit pagkatapos ay balik na ulit sa reyalidad. Kapag paparating muli ang bagyo o malalakas na ulan ay uulit-ulitin lang nila ang kanilang ginagawa. Ngunit hanggang ganito na nga lang ba ang tangi nilang magagawa?. Wala na nga bang paraan upang kahit paano ay maiwasan ang pagbaha o hindi na maranasan sa kanilang lugar ang baha?. Ilan lamang ito sa mga katanungang nais naming malaman mula sa mga residente. Ngunit sa dami nila, maraming beses ring maririnig ang mga katagang, “kaya namang tiisin”, “huhupa rin”, “sanay na kami” “baha lang naman problema namin."


     Kung ganito rin lamang ang pagiisip na mayroon ang mga tao ay marahil hindi na talaga makakapag-isip ng magandang plano para sa kinabukasan ng kanilang komunidad. Sa halip na matutuhan ang ibang aktibidad na maaaring gawin upang paghandaan ang problema ng bayan, mas pinipili pa nilang umasa na lamang sa mga bagay na nakasanayan na nilang ginagawa sa tuwing may baha. Hindi lang pagbaha ang problema ng lugar kundi marami pang ibang problema na dapat talakayin dahil ito ay magkakadikit na problema na kapag hindi pinagtuunan ng pansin ay hinding hindi rin kayang tapusin


     Ayon sa nakausap naming opisyal ng Barangay ay mayroon ng nakahaing mga plano upang matugunan ang suliranin sa baha, ilan dito ay ang paglilinis ng mga kanal o estero upang makadaloy ng maayos ang tubig. Isa-isa na ring isinasagawa ang construction para sa mga sirang kalsada at pagsasaayos ng dike sa tabing ilog. Naghahanda na rin sila ng mas maraming bangka na maaaring gamitin tuwing may baha upang matulungan ang mga residente na stranded sa kanilang mga bahay. Naging abala rin ang mga lider ng Barangay sa pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa mga hakbang na dapat gawin upang maiwasan ang pagbaha. Nakikipagtulungan na rin sila sa iba't ibang ahensya upang humingi ng tulong sa pagpapaayos ng lugar at budget para sa kanilang iminungkahing mga proyekto. Isa pa sa layunin nila ay bigyan ng karampatang tulong ang mga residenteng naaapektuhan ng pagbaha sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga relief goods. Ayon pa sa kanila, hindi na dapat mabahala ang mga residente dahil alam nilang handa ang na ang Barangay na matugunan ang problema sa baha lalo pa ngayong bago na ang mga nakaupo sa pwesto. Sa pagtutulungan ng mga lider ng Barangay ay unti-unti nilang isasaayos ang kanilang lugar at sama-samang haharapin ang anumang pagsubok na kanilang mararanasan


     Malikot ang imahinasyon ng mga tao, kaya naman hindi imposibleng makaisip ng mainam na plano na maaaring magamit upang ang problema sa baha ay maiwasan na kahit papano. At ito ang dapat na gawin ng mga residente ng Barangay Turo, isang konkreto at detalyadong planong magbibigay solusyon sa kanilang problema. Bukod dito, pagtutulungan ng mga opisyal at residente nito ang dapat na mamayani. Sabi nga ni Kagawad Kiel na upang maipahayag sa residente ang mga pangyayari sa lugar, ay sumasabay sila sa makabagong teknolohiya upang matugunan ang hinaing ng kanilang nasasakupan. “Nabibigyan natin ng kamalayan ang mga residente sa pamamagitan ng social media, pagpapaseo o public address, at sa tulong ng ating mga barangay workers upang mabilis na ipaalam sa mga residente ang mga problema at mga kinakailangan sa ating pamayanan”, ayon pa rito


     Disiplinadong mga residente at lider na hindi lang puro pangako ang tunay na solusyon upang ang isang Barangay ay maging matibay at hindi lulubog sa kahit ano pa mang unos at pagbaha. Hindi lang naman Barangay Turo ang may problema pagdating sa baha, maraming lugar sa Pilipinas ang nakararanas nito taon-taon kaya hindi na bago satin ang makakita ng mga bahay na nakalubog. Ngunit ganun pa man, hindi rin naman tama na hindi na natin ito dapat pansinin. Maraming paraan para ito ay maiwasan at magsisimula ito sa ating mga tao. Ang pag-aalaga sa ating kapaligiran ang magsisilbing daan upang ang mga ganitong uri ng problema ay atin nang masulusyunan.

     




Comments

Popular Posts

San Pablo residents speak up; living in the baranggay

SIDHI NG ALON: Lubog na Masa, Lunod na Pag-asa l Final Report