Barangay Poblacion: Agos ng Ilog, Daloy ng Buhay
"Barangay Poblacion: Agos ng Ilog, Daloy ng Buhay"
Martinez, John Krist | Palaje, Andrea | Vite, Lia Maicah
Mga abala at nagmamadaling yapak ng mga tao, mga sasakyang nagbibigay rahas sa ritmo at nakabibinging busina nito na bumabalot sa kalsada ng bayan na tila nagbibigay ng sariling kwento. Palaruan na siyang nagbibigay sabik at kasiyahan sa mga musmos at walang muwang, mga sikat na fast food chains na kulob at may malamig na hangin, simbahang puno ng kasaysayan, at sa sentro ng bayan ng Sta. Maria naroon ang Barangay ng Poblacion. Pagtapak pa lang sa lugar ay kapansin-pansin na ang ilog na may tatlumpu’t isang (31) kilometro ang haba, sa itsura pa lang ay tila saksi na rin ito sa libo-libong mga kuwento at karanasan ng bawat residenteng patuloy na kumakayod upang matustusan ang lubos na pangangailangan at gayon na rin ang patuloy na pakikipaglaban sa mga hamon ng buhay.
Kulay lumot na tubig, masangsang na amoy, mga palutang-lutang na basura, mga batang nagtatampisaw na hindi alintana ang maruming tubig, at mga namamangka na nagbabakasakaling makakuha ng isdang maaaring maihain sa hapag o di kaya'y pagkakitaan. Ilan lamang iyan sa mga problemang bumubungad sa mga tao sa tuwing matatanaw ang kaibabawan ng ilog, ngunit ano pa nga ba ang mayroon dito na siyang nakakaapekto sa mga mamamayan ng bayan ng Poblacion? Maituturing na lamang bang isang suliranin ang ilog? May solusyon pa nga bang naghihintay sa mga problemang kinakaharap?
Tatlong buwan na mahigit ng simulan ang pagkalap ng mga impormasyon at pagbisita sa barangay Poblacion. Sa ilalim ng tirik na araw, samu’t sari man ang usok mula sa mga sasakyan, at sa tagal ng oras na pag pabalik-balik at paglalakad ay hindi ito naging madali, ngunit hindi ito naging hadlang upang tuklasin ang mga problemang pasanin ng bawat indibidwal sa barangay ng Poblacion. Tila naging mailap ang ilang residente na paunlakan ang aming panayam, sumabalit nang maka-ilang lakad sa loob ng komunidad ay sa wakas ay doon na may mga naglakas-loob na sagutin ang aming katanungan. Matapos hingin ang kanilang permiso ay sinimulan namin ito sa katanungang, “Ano sa tingin mo ang kinahaharap na problema o isyu sa inyong barangay o komunidad?”, at isa sa nga rito ay sina kuya Jr, ate Ellen, nanay Janeth, tatay Jerry, kuya Michael, at mga estudyanteng sina Clarisse Victorina at Jolo Bautista.
Ayon kay kuya Michael, "Kahirapan, baha, tapos walang matirhan na maayos."
“Ang problema lang naman dito kapag umuulan, yung konting ulan lang baha kami, pero sa lugar namin tahimik naman.”, sambit naman ni nanay Janeth.
Dagdag pa ni kuya Jr,“baha, kasi mababa yung mga daan tapos maliliit lang kanal kaya kapag umulan mabilis bumaha.”
“... pag tag-ulan talaga binabaha rito.”, matipid na sagot ni kuya Jerry
Mula sa pahayag ng mga taong naninirahan sa Poblacion ay kapansin-pansing may iisang sinasambit ang mga ito, at walang iba kundi ang problema pagdating sa baha, ngunit hindi rito nagtatapos ang mga suliraning aming nakalap, dahil tiyak na may iba pang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay patuloy pa rin itong nararanasan ng mga mamamayan sa lugar.
Photo Courtesy: Wawi Tagoranao
Noon pa man ay isa na sa problema ng Sta. Maria at barangay Poblacion ang pagbaha. Taong 2020, buwan ng Nobyembre nang tumama sa bansa ang bagyong Ulysses kung saan maraming kabahayan at buhay ang nasira ng nasabing kalamidad. Dahil sa malaking pinsala ng bagyo ay nag-ugat ito para magtulong-tulong ang bayan ng Poblacion at ang ibang kalapit na barangay sa Sta. Maria upang magpaabot ng panawagan para sa donasyon ng mga pagkain, damit, at pati na rin pinansyal na suporta para sa mga residenteng lubos na naapektuhan nito.
Photo Courtesy: Municipality of Santa Maria
Ayon naman sa facebook page ng Municipality of Santa Maria at Brgy. Poblacion SMB, Kap. JR Morales ay nagpadala ito ng mga rescuer upang patuloy na umantabay para sa mga residenteng kailangan ng agarang respunde at maipadala sa evacuation center.
Photo Courtesy: Brgy. Poblacion SMB, Kap. JR Morales
Noong nakaraang taong 2023, ay nakaranas muli ng pag-apaw ng tubig sa ilog nang dahil naman sa bagyong Falcon na naging rason para bumaha sa lugar. Itinaas noon sa Orange Rainfall Warning ang lalawigan ng Bulacan, kung saan kinansela ang pampubliko at pampribadong paaralan, pati na rin ang mga opisina sa bayan ng Sta. Maria.
Nagkaroon din ng pagpapatigil ng biyahe sa mga terminal at pagpapasara ng mga tindahan, dahil sa walang tigil na pag-ulan ay patuloy na isinagawa ang pagmo-monitor sa lebel ng tubig sa ilog ng Sta. Maria. Sa takot na patuloy na pagtaas ng tubig at sa pinsalang maaaring maging dulot nito ay nagkaroon ng aksyon ukol sa pagpapalikas ng mga residente lalong-lalo na sa bahagi ng mga nakatira sa tulay upang maiwasan ang maaaring maging mas matinding pinsala ng anumang sakuna.
Habang patuloy sa pahahanap ng mga detalye ay bitbit pa rin ang naunang katanungan sa aming isipan, at sa pagkakataong ito ay may ibang kasagutan kaming nakuha mula sa mga indibidwal na ito.
“Para sa akin kasi ano e... unang-una basura…”, wika ni ate Ellen .
Para naman kay Clarisse ay, “Sa ’kin po kasi about sa basura…”
“Mostly ang kinahaharap ng ano namin community is ano basura…”, ayon kay Jolo.
Hiling din ng mga residente sa lugar ay masolusyunan ang problemang nararanasan sa kanilang lugar, kung saan ay nabanggit nila na magkaroon ng patuloy na paglilinis ng kapaligiran at nasasakupan ganoon narin ang pagkakaroon ng maayos na patakaran patungkol sa tamang pagtatapon at paghahakot ng basura.
Bukod pa rito, saad din ng iba sa kanila ay nakaaapekto ang problemang ito lalo na sa pang-araw-araw na pamumuhay katulad na lamang ni ate Ellen na nagmamay-ari ng isang karinderya, malaki raw ang epekto ng basura sa kanyang negosyo lalo na’t pagkain ang kanyang ibinebenta, kaya mas makabubuti kung mapapanatili ang kalinisan sa lugar.
“… Kumbaga [kapag] sa madaling-araw yung mga aso... [kinakalat] oo, edi kinabukasan… Ang dating naman ng basura is maaga naman kaya lang syempre pag maaga yung tao nakikita.”
Tugon naman ng mga taga-pamahala sa barangay Poblacion ay may isinasagawa silang aksyon pagdating sa mga problemang dinadaing ng nasasakupan. At sa mga oras na iyon ay nagkaroon kami ng pagkakataong makapanayam ang Barangay Captain, Barangay Secretary, at ang isang SK Kagawad.
“Syempre mag-impose at palimitahan 'yung paggamit nung mga plastic, imbis na plastics 'yung mga reusable na ang gamitin para at least maibsan 'yung dami na itinatapon at patuloy mag segregate para mapangalagaan din natin kapaligiran natin.”, ayon kay Kapitan JR.
Pahayag naman ni Secretary Angelo, “Ang patuloy na paghakot ng mga basura at pagpapanatili ng tamang pagse-segregate nito upang hindi na mas lumala ang problema na may kaugnayan sa basura na siyang nagiging dahilan din ng pagbaha.”
Dagdag pa ni SK Kathrina, “Para sa basura nag-o-offer kami rito ng clean-up drive, tumutulong kami rito para maiwasan yung mga kalat at mayroon din tayong Sangguniang Kabataan na parte ng environmental committee, si SK Chesley Gomez, kung saan mayroon tayong proyektong inaasahan para sa ilog na maglalagay ng net para makuha yung mga basura na tinatapon ng mga tao kung saan-saan.”
Photo Courtesy: Brgy. Poblacion SMB, Kap. JR Morales
Tuluyan na ngang napa-abot sa mga namumuno ang mga hinaing na nais masolusyunan ng mga naninirahan dito. Kabilaang panayam sa mga boses ng taga-poblacion, iba't ibang tinig ang napakikinggan, mga istoryang naghahangad ng pagbabago para sa bayang kanilang kinabibilangan.
Ngunit kahit na ganoon pa man ay may iba't ibang uri pa rin ng mga basura na patuloy inaanod sa tuwing may baha dulot ng bagyo, may mga kalat pa rin na pasimpleng inihuhulog o di kaya’y nagpapatay-malisya sa tuwing may madaraanang kahit kapirasong papel o plastic. Ang masama pa ay ilog ang siyang nagiging taga-salo sa mga dumi at kalat na mismong mga tao rin ang may gawa na kung tutuusin ay silang dapat na responsable sa pagpapahalaga nito. Nakalulungkot din na ito ang nagiging sanhi kung bakit nagkaroon ng mas malaking suliranin ang lugar ng Poblacion.
Base sa naging obserbasyon at interview na naganap, lumalabas na ang pangunahing problema sa barangay ng Poblacion ay basura at pagbaha, ngunit ano nga ba ang koneksyon nito sa ilog ng Sta. Maria?
Photo Courtesy: Municipality of Santa Maria
Ayon sa PhilAtlas, sinasabing 12,871 populasyon ang naitala sa barangay ng Poblacion, kung saan maaaring ito rin ang dahilan ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga basura sa lugar, kahit ang polusyong dulot ng usok na nagmumula sa mga sasakyan at mga uri ng makina ay nakaaapekto rin sa kalagayan ng ilog pati na rin sa paligid nito.
Samakatuwid, nagiging dahilan ang basura na siyang bumabara sa mga butas at sulok ng mga kanal na dapat ay ito ang nagiging daan at humihigop ng tubig sa tuwing umuulan, upang maging maayos ang daloy ng tubig sa ilog. Subalit hindi ganito ang resulta na inaasahan sa tuwing sasapit ang tag-ulan. Nang dahil sa hirap ang daloy ng tubig sa mga kanal na patuloy na nagiging sanhi sa agarang pagtaas ng tubig, dagdag pa ang mabilis na pagragasa ng tubig mula naman sa kalapit na mga ilog kung kaya’t mabilis na umaapaw ang tubig dahilan para bumaha sa lugar ng Sta. Maria.
Nang muli kaming bumalik sa ilalim ng tulay ng Sta. Maria kung saan naroon ang ilog, ay kapansin-pansin ang mga taong nagtutumpukan at ang nakabibinging ingay na nagmumula sa malalaking sasakyan at kagamitang ginagamit sa pagbubungkal at panggawa ng mga lupa.
Saad ng trabahador na aming napagtanungan na ito raw ay sa DPWH o Department of Public Works and Highways, at dito kapansin-pansin ang malaking karatula na nagsasaad ng isang proyekto patungkol sa pagpapagawa ng nasabing “dike” na siyang makatutulong sa paghupa ng pagbaha na nanggagaling sa ilog at makapagbibigay kapanatagan sa kaligtasan ng mga mamamayang naninirahan dito. Bukod pa rito ay nakasaad din kung kailan nasimulan ang pagsasagawa ng proyekto, magkano ang nakalaan na badyet, at kung hanggang kailan inaasahan na matapos ang proyektong Construction for Flood Control Structure alongside Santa Marie River (Poblacion - Macaiba Section).
Ang mga impormasyong nailahad ay ilan pa lamang sa mga maaaring matuklasan na kinahaharap ng Barangay Poblacion, mga tinig na hindi agad madidinig, mga suhestiyon na walang kasiguraduhan kung mapagbibigyan, mga problemang hindi agarang malalapatan nang lunas, ngunit mayroon ding umaasa pa sa pagbabago na patuloy na gumalaw ang mga nasa puwesto para sa ikabubuti ng kalagayan ng mga taong pinamumunuan.
Katulad ng ilog, mahaba pa ang lalakbayin ng mga residente ng Poblacion kung kaya’t patuloy pa ring naniniwala ang mga ito na darating din ang panahon kasabay ng pagsikat ng araw ang muling pagbabalik ng kagandahan ng ilog, karugtong nito ang pag-asang kaginhawaan na sana’y muling maranasan, mga pag-asa na sana’y sa tuwing darating ang masama at kinatatakutang panahon ay wala nang pangambang madarama.
Comments
Post a Comment