Ang Binabahang Problema ng Rufino A. Cruz Memorial Elementary School

        
"Ang Binabahang Problema ng Rufino A. Cruz Memorial Elementary School"
Citizen and Community Journalism Final Project

Concepcion, Clarence
Ogana, Czarina Gale
Santiago, Lhyca Mariehl


        Mainit, masikip at dikit-dikit, ganiyan ang sitwasyon na nararanasan ng mga mag-aaral ngayong pumapalo sa mahigit 40 degrees ang temperatura araw-araw. Ngunit sa likod ng matinding sitwasyon na ito, nakalubog ang umaapaw na problema ng paaralan tuwing sasapit ang panahon ng tag-ulan.     

        

Abot tuhod na tubig, lubog na mga silid, basang mga libro’t gamit sa aralin at sirang pasilidad, ganito naman ang pisikal na pinsalang iniiwan ng malakas na bagyo sa paaralan matapos nitong humagupit sa bansa. Tipikal na itong nangyayari sa mga pampublikong pamantasan lalo na ang mga nasa mabababang lugar. Subalit kung paulit-ulit na lamang itong nangyayari, hindi kaya may pinag-uugatang sanhi ang ganitong problema na kailangang mabigyang pansin at solusyon ng mga kawaning namumuno?


                         

        Halos limang dekada nang naghahatid ng dekalidad na edukasyon ang paaralang Rufino A. Cruz Memorial Elementary School o RCMES sa Barangay Dampol 1st, Pulilan, Bulacan, kaya naman itinuturing ito bilang isa sa mga institusyong matagal nang humuhubog at lumilinang sa kaisipan at asal ng mga mag-aaral. Ang paaralang ito ay binubuo ng 584 na mga mag-aaral mula sa Kindergarten hanggang ika-6 na baitang. 


        Subalit kasabay ng mabilis na pag-unlad, may isang suliranin ang paaralan na matagal na nilang itinatago sa gawing likod ng malalaking gusali, ito ay ang kawalan ng maayos na daluyan ng tubig o drainage system na nagiging dahilan ng pagbaha lalo na sa likurang bahagi ng paaralan.

    

        "Pagbaha dahil mababa ang lupa sa likod at walang drainage."

        

      "Kapag lang naman panahon ng tag-ulan, sa gawing likod ay naiipon ang tubig sapagkat di makalabas nang maayos papunta sa drainage sa kalsada," pahayag ng ilang mga guro.


Itinuturong dahilan ng pinuno ng barangay ang mga negosyante nakapaligid sa paaralan.


"Iyong mga nakapaligid na mga lupa sa paaralan ay nabakuran na at nabili na ng mga negosyante, tinambakan ito at ginawang mga warehouse kaya nanatili ‘yung mababang level ng lupa, kung saan ay kapag tag-ulan ay roon naiipon," pahayag ni Kapitan Gerardo Arellano.



        Sinang-ayunan naman ito ng officer-in-charge ng paaralan na si Bb. Melanie Cabarrubias at hindi lamang daw mga negosyo ang nagpapataas ng lupa kundi pati na rin ang mga kabahayan sa paligid lalo na ang mga parte ng barangay na madalas binabaha. At dahil nga tumaas na ang mga bahay, mas bumaba ang lupa ng paaralan kaya mas dumami ang tubig baha na dumadaloy dito tuwing tag-ulan.


Sa pagbisita sa paaralan, nakita namin na mayroon namang mga kanal dito ngunit barado ng mga basura at bato, lalo na ang nasa likurang bahagi ng bagong tayong two-storey building na konektado sa drainage sa kalsada. Ayon sa officer-in-charge, tinambakan at inalis na ang kanal matapos itayo ang dalawang bagong building dahil hindi na rin naman daw ito magagamit.


“Hindi siya functional kasi mas mataas na yung kalsada kaysa dito sa school natin, kaya ang mangyayari kapag bumaha, hindi na aagos o magfflow yung tubig mula sa school hanggang sa kanal na naka diretso sa kaniya,” pahayag ng guro.



        Higit na apektado nito ang mga estudyante dahil maraming mga kagamitan para sa kanila ang nasisira tuwing may bagyo. Mahigit isang daan ang nasirang libro, modules, pati na rin ang humigit kumulang tatlumpung mga upuan at lamesa. 


       Pagdating naman sa mga pasilidad, 6 ang mga silid na nasa likod na bahagi ng paaralan at lahat ito ay nalulubog sa tubig baha tuwing bumabagyo. Sa ngayon, ang dalawang silid sa dulo na dating ginagamit bilang ICT at Grade 2 rooms ay ginawa ng tambakan ng mga sirang gamit dahil malubha na ang kalagayan nito at maaaring magdulot ng aksidente sa mga bata. Kabilang sa mga sira nito ay ang sahig, bubong, bintana, banyo at pintuan.

        Bukod sa mga pisikal na epekto na kanilang nararanasan sa paaralan, ang pagkaimbak ng tubig baha lalo na kung inaabot ng ilang araw o linggo ay maaaring magdulot ng mga sakit hindi lamang sa mga bata kundi pati sa mga guro gaya ng leptospirosis, dengue at mga sugat sa paa.


        Nabanggit man na marami na ang mga kabahayan na nagpapataas na ng kani-kanilang mga lupa upang hindi na sila bahain, may iilan pa ring mga naninirahan dito na binabaha. Kaya’t sa panahon ng tag-ulan, napipilitan silang lumikas at magpunta sa evacuation center at ito ay sa nasabing paaralan din. Kaya naman bukod sa mga guro at estudyante, apektado rin ng suliraning ito ang mga evacuees na tumutuloy rito sa tuwing may bagyo.


        Nagkaroon kami ng pagkakataon na makapanayam ang isa sa mga naging estudyante ng paaralan at ilang taon nang inililikas dito sa tuwing binabaha ang kanilang lugar. Base sa naging karanasan ng kaniyang pamilya habang tumutuloy sila roon, lagi raw talagang mataas ang tubig sa likod noon pa man. 



“Dito po sa likod laging may tubig talaga, pero doon po sa pinepwestuhan namin wala kasi nasa unahan po kami pinatutuloy, sa dating library, sama-sama po kami,” tugon ni Analuz Labrague, halos limang taon nang evacuee sa RCMES.


Kwento pa niya, masikip, malamok at hindi komportable ang pagkilos nila dahil nagsisiksikan lang sila sa isang kwarto lalo noong hindi pa naitatayo ang bagong mga building dito. Dahil din umano sa tubig bahang nakaimbak habang sila ay tumutuloy dito, ang ilan sa kanila ay nagkakasugat sa binti at paa dahil sa kagat ng lamok, habang ang iba naman ay nilalagnat kaya’t lagi silang nababahala.


Lubha talaga itong nakababahala dahil ang mga evacuation center ay dapat maging ligtas na lugar para sa mga nasalanta ng bagyo kaya’t dapat ay komportable at panatag sila tuwing dinadala sila rito. Subalit, kung ang pansamantalang tutuluyan nila ay nakararanas din ng pagbaha, nagiging mas mahirap para sa mga nasalanta na makahanap ng proteksyon at seguridad mula sa eskwelahan at barangay dahil mas malaki pa ang tsansang makakuha sila ng sakit sa lugar na ito.


Bawat hinaing ng mga taong apektado ay patunay na isa nga itong suliraning matagal nang kinahaharap ng paaralan at hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring kongkretong solusyon. Sa pagsusuri, ilang taon na nila itong nararanasan, pero bakit wala pa ring tugon?


Sa patuloy na pakikipanayam sa officer-in-charge ng paaralan, matagal na nilang probisyon sa lokal na pamahalaan na matulungan silang makapagpagawa ng drainage system na karugtong ng nasa labas na daluyan ng tubig. Bukod dito, hiling din nila na maipaayos ang mga silid na sira-sira at mapalitan na rin ito ng bagong two-storey building upang mas tumaas na din ang lupa sa likurang bahagi at hindi na rito dumaloy ang tubig baha tuwing may bagyo. Aniya, wala silang humpay sa pagkalampag at paulit-ulit na paghiling sa pamunuan upang pakinggan ang kanilang hiling ngunit lagi pa rin itong naisasantabi.


“Paulit-ulit tayo ng request sa barangay, sa local government natin na matulungan tayo, pero hindi agad masosolusyunan kasi unang-una pondo ang kailangan,” ani Bb. Cabarrubias.


Sa pagsusuri sa suliraning kanilang hinaharap, napag-alaman naming marami naman na pala ang ginawang aksyon ng kanilang barangay lalo na ang paaralan. Nabanggit na may mga panukalang proyekto na nais nilang isagawa sa isiping para sa ikabubuti ng paaralan. Gayunpaman, katulad ng mga nangyari sa nakaraan, kung saan maraming punong-guro na ang nagdaan, hindi matuloy-tuloy at magawa nang maayos ang mga proyektong sinisimulan dahil limitado lamang ang pondo na maari nilang magamit upang bigyan ng solusyon ang kanilang problema.


"Madalang, kasing dalang po siguro ng patak ng ulan," iyan ang naging tugon ni Analuz sa mga solusyon na ginagawa ng kanilang barangay tuwing makararanas sila ng pagbaha.


Nakakalungkot isipin na ang binabahang problema ng mga guro at mag-aaral sa eskwelahan ay tila isang mahinang ulan lang para sa mga namumuno nito. Lagi silang hindi pinakikinggan at naisasantabi, gayong dapat sila ay nabibigyang prayoridad dahil mamamayan din naman nito ang nakikinabang dito.


Hindi naman maikakailang marami talagang mga suliranin na kailangang pagtuunan ng pansin ng lokal na pamahalaan. Ngunit bilang isang mahalagang institusyon ang mga paaralan, nararapat na paglaanan ito ng sapat na pondo upang matugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan, kagamitan man o pasilidad. Dapat ay isa ito sa mga aspetong inuuna dahil hindi lamang paglinang sa kaisipan ang tanging pinahahalagahan, kundi pati rin dapat ang kanilang kaligtasan at kaayusan sa araw-araw nilang pagpasok.


Comments

Popular Posts

San Pablo residents speak up; living in the baranggay

SIDHI NG ALON: Lubog na Masa, Lunod na Pag-asa l Final Report