ALAPAAP: Paglutang at Paglubog ng Kasukdulan | Mark Gabriel Musni & Marvie Servande

ALAPAAP: Paglutang at Paglubog ng Kasukdulan 

nina Mark Gabriel Musni at Marvie Servande


Panoorin ang aming maikling dokumentaryo: Ang Paglalakbay sa Daang-alapaap




“Hindi ‘ko po nararamdaman ang gutom.” 


Sa lawak ng ating bansa at pagiging dinamiko nito, kulang ang mga daliri sa kamay sa pagbibilang ng mga nangyayari sa bawat segundo. Binigyang-linaw ito ng mga kaganapan sa paligid na kung minsan—hindi, kulang ang dalas dahil bigo na ang karamihang maaninag at mapagtakhan kung ito ba ang tinatawag na progreso dahil marami pa ‘ring naiwan. 


Ang himala na kay tagal hinintay ay naging huwad. At bigo pa ‘rin silang makaahon sa salat. 


Pagkain ang pangunahing pamatid-gutom ng karamihan. Likas din sa mga Pilipino ang pagkonsumo nito halos tatlong-beses sa isang araw, minsan nga’y labis pa. Kanin at ulam—mga karaniwang pangangailangan ng isang indibidwal ay biyaya na kung maaabot ng ilang kabataan sa Barangay ng Bangkal sa Malolos, Bulacan. Hirap ng buhay ang nagmulat sa kanila sa mapait na reyalidad na araw-araw nilang sinusuong. Ito rin ang nagtulak sa kanilang tahakin ang landas na madilim kung saan sa madaling paraan ay hindi na nila naramdaman ang sikmurang kumakalam. 


“75 isang bote na ‘yon.” Saad ni Ato, labing-limang taong gulang. Pangangalakal ang pangunahing pinagkukunan ng pera ng binata at katuwang ng kaniyang mga kaibigan, nangangalap sila ng mga plastic bottles at sirang mga gamit upang maipagbili. 


Sa murang edad ay natutong magbanat ng buto. Sa murang edad din ay natutong humithit ng solvent.


Isang bote—salaysay ni Ato at sapat na ‘raw ito para sa dalawang araw na pagkonsumo niya ng rugby. Gabi-gabi, sa sulok ng madidilim na eskinita ng Barangay Bangkal niya ito ginagamit upang mapawi ang kalam ng sikmurang pagkain sana ang laman.


“Nananaginip po ako.”


Sana nga’y sa pagtulog ito nararanasan...


Panaginip ang inaasahan ng karaniwan sa bawat pagpikit na ang asam ay pahinga. Mula sa maghapon. Mula sa magdamag. Mula sa pagod sa pakikipagsapalaran sa buhay at pakikipagpatintero sa tadhana. 


Sa ilalim ng sikat ng araw. Sa lamig ng gabi at pagsilip ng buwan. 


Sino ba naman ang ‘di hihiling ng mapayapang mundong likha ng mapaglarong kaisipan? ‘Yan ang dapat na tinatamasa ng katorse-anyos na si Jayron matapos niyang ibahagi ang karanasan. 


Aniya, sa tuwing sisinghot ng naturang kemikal ay pawang nananaginip siya. Tila siya’y hinehele o di kaya’y nakahiga sa duyang nakakabit sa punong nagdudulot sa kaniya ng sariwang hangin. Bagama’t kaunting nakahihilo, nagpadala si Jayron sa ihip ng hangin.


Bagama’t nakakaluyo, minabuti ni Jayron ang manatili kapalit ng panaginip kahit pa siya’y mulat—hindi sa katotohanan, kundi sa mga sandaling ikinubli ng boteng may halagang 75. 


Ang pagsuong sa makikipot na eskinita ng Bangkal ay katumbas ng lubos na kamalayan sa kung ano nga ba ang danas ng mga naninirahan dito. Mula sa mga naisasantabing sektor ng lipunan, hanggang sa mga kabataang nagiging biktima ng kawalan ng pagbibigay-importansya ng mga nagmamay-ari ng upuang ipinagkaloob ng mga mamamayang umaasang mapansin ‘din sila. 


“Nasasarapan po, para akong nakalutang.”


Sa patuloy na paglitaw ng mga kwentong ibinahagi ng iilan, narito si Nelvic, labing-walong taong gulang, at ayon sa salaysay niya, masarap ang karanasan kapag gumagamit ng solvent. 


Buong tapang na inihayag ng binata ang masalimuot na bahagi ng kaniyang buhay. Nariyang gaya ni Ato ay nangalakal ‘din siya upang may maipambili ng sarap na sana’y sa pagiging isang normal na binata niya naramdaman. Nariyang gaya ni Jayron, nagkaroon ‘din siya ng mga kaibigang minsan niyang nakasama sa maling gawi. 


Ilang buwan na mula noong huling gumamit si Nelvic. Ilang buwan mula noong kinailangan niya ng artipisyal na solusyon sa kalungkutan at hirap. 


‘Di lamang sa daang baluktot nauwi ang binata. Namulat ‘din siya sa karahasang dulot ng kamay na bakal at ang mga ideolohiyang naikintal na sa kaniyang isip. 


May pangarap si Nelvic… 


“Anong madalas na ginagawa ng mga pulis na sa tingin mo ay kaya mong gawin?” 

“Pinapalo po. Kapag may kasalanan po kami, pinapalo nila kami at pinaparusahan.”


Maling pananaw ang mag-uudyok sa isang binatang biktima lamang ‘din. 


Mahirap ang maging mahirap sa lipunang nagsisilbi sa mas may kakayahan. Delubyo ang mamuhay sa lipunang mas lalong dinidikdik ang mga nasa laylayan. 


Para kanino ang serbisyo ng mga nanumpa kung sila mismo ang yumuyurak sa dangal ng isang abang mamamayan at tuluyang nilunok na lamang ang pangakong sinumpaan?


Hindi ang mga tulad ni Ato, Jayron, at ng nangangarap na si Nelvic ang pinagsisilbihan ng may kani-kaniyang kapasidad. Bagama’t naligaw ng landas, kalinga ang kailangan nila at hindi dahas. 


Patuloy na lilikha ng mga kabataang tatahak sa saliwang daan ang isang lipunang kumukulong mismo sa mga may tanikala na nga ng kahirapan sa kanilang mga paa. Walang ganap na progreso sa pamumunong leeg ang hawak sa mga mamamayan nito at hindi kanilang kamay. 


At hindi maaatim ang ganap na pagbabago kung patuloy na isasantabi ang mga noon pa ma’y naaapi. 


Kung sana’y ang mga katagang “Hindi ‘ko po nararamdaman ang gutom”, ni Ato ay dahil sa tatlong-beses may nakahain sa kanilang hapag…

Ang pananaginip ni Jayron ay dulot ng ginhawa ng kaniyang tulog at pagpapahinga…

At ang mga pangarap ni Nelvic ay nararamdaman niyang “masarap” abutin sapagkat hindi niya kinakailangang magtamo ng sugat at pasa upang matuto…


Ideyal ang mundong walang hinagpis, ngunit hindi ang lipunang pantay na binibigkis. 



Comments

Popular Posts

San Pablo residents speak up; living in the baranggay

SIDHI NG ALON: Lubog na Masa, Lunod na Pag-asa l Final Report