THEY/THEM-IN MO LANG: Isang transwoman sa BulSU, ‘pinahiya’ ng guro dahil sa kaniyang pronouns

                     

“Ako po si Ann, hindi ako John.”

Bitbit ang platapormang inklusibo at pANNtay na pamantasan, ganito ipinakikilala ni Ann ang kaniyang sarili sa bawat klasrum ng Kolehiyo ng Agham noong nakaraang kampanya niya para sa pagkasenador.  Kahit na malakas at nagpaulit-ulit, tila hindi pa rin naabot ang iilan. 


Hindi na lingid sa ating kaalaman na tayo ay namumuhay sa isang macho-pyudal na lipunan at hindi bukas sa usaping SOGIESC, kaya naman ito ay nauuwi sa talamak na kaso ng transphobia at homophobia maski sa unibersidad.


Noong ika-1 ng Setyembre taong 2023, isang 3rd year college transwoman na si Ann Valencia mula sa Kolehiyo ng Agham ang pinagalitan at kinuwestiyon ng kaniyang propesor dahil sa paggamit nito ng she/her pronoun at sa pag-crossdress sa klase. 


Sa pagpapakilala niya sa klase, sinabi ng estudyante na ang personal na panghalip na angkop na gamitin upang tukuyin siya ay "she/her". Kinuwestiyon ito ng propesor at sinabing nakabase sa "genitalia" o ari ng tao ang pagtukoy sa kasarian nito. 


“Sige nga, patingin ng birth certificate mo,” ani ng guro.


Ipinagdiinan ni Ann na siya ay parte ng LGBTQIA+ community. Ngunit sa halip na unawain at suportahan, sinigawan ito at ipinahiya sa harap ng kaniyang mga kaklase. 


Ang insidenteng ito ay manipestasyon lamang na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatamasa ang inklusibong edukasyon at pamantasan. Kahit na may Safe Spaces Act, Malolos Anti Discriminatory Ordinance at Magna Carta of Students ay mistulang palamuting polisya at nananatiling huwad lamang ang mga ito. Wala ring natatamasang SOGIESC at gender sensitivity training ang mga estudyante at mangagagawa sa unibersidad. 


Samantala, sa usapin ng cross dressing, ayon sa Section 13 ng Magna Carta of Students, "The students of Bulacan State University shall have the liberty to express their Sexual Orientation, Gender Identity and Expression by wearing their desired clothing.” Malinaw na ang partikular na seksyon na ito ay poprotektahan ang katulad ni Ann na inihahayag ang sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit na kaniyang ninanais.


Sabi nga nila, ang paaralan ang ating pangalawang tahanan at guro ang nagsisilbing magulang tuwing tayo ay pumapasok. Pero, paano kung sa itinuring mong tahanan ay hindi mo maramdamang makatatahan ka? 


"This scenario really saddens me. Nasaktan ako. Umiyak ako. Pero walang patutunguhan ang takot at pangamba. Gusto ko lang makapagtapos ng pag-aaral…" 


Ang facebook post ni Ann ukol sa nangyari ay nakarating sa BulSU Bahaghari at sa Konseho ng Mag-aaral. Kaya naman, inimbestigahan ang pangyayari ng konseho sa pangunguna ng komite na Gender Equity and Sensitivity Committee. Nang dahil sa takot at pangamba ni Ann, nagresulta ito sa desisyon niya hindi na ituloy ang kaso at muntikang pagsasantabi ng kaniyang pag-aaral. 


Naudlot man ang kaso, nagsilbi lamang itong mitsa sa mas matinding pakikibaka para sa pagkakapantay-pantay sa pamantasan. 


Nang dahil sa nangyaring insidente, naging dahilan ito upang isulong ang Transgender and Gender Non-Conforming Guidelines (TGNC) para sa Bulacan State University. Nasusulat sa guidelines ang pagkilala sa paggamit ng lived name at pronouns ng transgender at non-conforming individuals (TGN) kagaya ni Ann Valencia. Tulad ng they/them, they/them pronouns, neo-pronouns, and gender-neutral titles, tulad ng Mx, at (she/her, Miss, Ms., Mrs.) at masculine (he/him, Mr.) pronouns at titles.) 


Sa pag-iral ng nasabing guidelines, matuturuan ang kawani ng unibersidad tulad ng teaching at non-teaching personnels na sundin ang mga alituntuning ito upang makasama sila sa paglikha ng isang inklusibo, pantay, at ligtas na komunidad sa loob ng unibersidad. 


Sa kabila ng mga personal nilang mga danas, patuloy ang kanilang paninindigan at pagbibigay-boses sa iba't ibang sektor ng lipunan na kanilang ginagalawan. Silang mga pinagkakaitan ng karapatan, siya ring nakikibaka para sa kapantayan.


Nagtatagal ang may ipinaglalaban. 


Ngayon, si Ann Valencia ay tumatakbo muli bilang Bise Gobernador ng Lokal na Konseho ng Kolehiyo ng Agham, bitbit ang panawagang pagpapaigting ng implementasyon ng Magna Carta of Students of BulSU, na siyang naglalayon na putulin na ang anumang uri ng diskriminasyon sa lahat ng kasarian sa loob ng pamantasan. Gayundin, mungkahi rin niya ang pagkakapasa ng Transgender and Non-Conforming Guidelines (TGNC)  at SOGIE Equality Bill sa bansa na siyang poprotekta sa lahat ng kasarian mula sa anumang uri ng pagbubukod—parte man ng LGBT o hindi.


Sabi nga nila, ang paaralan ang ating pangalawang tahanan at guro ang nagsisilbing magulang tuwing tayo ay pumapasok. Pero, paano kung sa itinuring mong tahanan ay hindi mo maramdamang makatatahan ka? 


Matagal na nating binabaka ang pagbasag sa macho-pyudal na lipunan at hindi bukas sa usaping SOGIESC, hindi ito ang panahon upang tumigil sa pagwaksi ng transphobia, homophobia, diskriminasyon at ibang pang uri ng harassment, sa tahanan, lansangan, banyo, trabaho at sa eskwelahan. 


Baka sa mga karanasan na katulad ng kay Ann, makakaramdam tayo ng pagtahan. Ang pakiramdam na hindi tayo mag-isa sa danas at sa laban tungo sa pagkakapantay-pantay.

Comments

Popular Posts

Citizen and Community Journalism: Community Issues and Problems among Citizens in Brgy. Maguinao, San Rafael, Bulacan

In Barangay Malis